By Ronaldo Z. Concha

Matapos ang mahigit  na apat na taong pagkakakulong sa kaso ng pag dadala ng illegal na droga sa Saudi, malapit nang sumikat ang araw para sa pamilya San Juan dahil sa posiblidad na makakalaya na ang kanilang anak na si Junivie San Juan.

Sa panayam ng gmanews sa ina at ama ni Junivie sa Philippine Consulate nitong araw ng Huwebes magkahalong saya at lungkot na ipinaalam na malapit  nang makalaya ang kanilang anak na si Junivie matapos ang mahigit apat na taong pagkakakulong dahil sa kaso ng pag dadala ng illegal na droga mula sa Manila.

Ayon sa mag asawa, napagsilbihan na ng kanyang anak ang sentensyang tatlo at kalahating taong pagkakakulong at tanging ang penalty na nagkakahalaga ng 100,000 SARs ang kailangan mabayaran para tuluyan na syang makalaya at makauwi ng Piipinas.

Ang mga magulang ni Junivie na sina Elvira at Jun ay kasalukuyang nasa Jeddah at nadalaw na ang kanilang anak sa kulungan sa tulong ng Department of Foreign Affairs, ng Department of Labor and Employment at ng Overseas Workers Welfare Administration.

Sinabi ni Jun na magkahalong lungkot at saya ang kanyang naramdaman sa muli nilang pagkikita ng kanyang anak na si Junivie matapos ang mahigit apat na taong pagkakawalay.

Sa kwento ni Jun ay nagyakapan daw silang mag ama at umiyak ang kanyang anak, niyakap daw nya ng mahigpit ang kanyang anak na umiiyak na parang isa raw sanggol at agad daw nyang ipinadama ang kanyang pagmamahal sa anak.

“Natutuwa dahil nakita ko sya, nalulungkot dahil sa sinapit nitong pagkakakulong ganon pa man tinitibayan ko ang aking loob at hindi ko ipinakita sa anak ko na ako ay nanghihina Kailangan ipakita ko sa kanya na matibay pa rin kami positibo na ipagpatuloy ang buhay para naman hindi siya maging malungkot.” – pahayag ni Jun.

Nagpapasalamat naman si Atoy Esguerra ng Kaagapay ng Bawat OFW sa  Assistance to National ng konsulada sa pagtutok ng husto sa kaso ni Junivie at umaasa ang kanyang grupo na makakauwi na ang dalaga para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.

Ang Kaagapay ang grupo na nakipag ugnayan sa dating Consul General Norman Garibay nang araw na maaresto si Junivie.

Si Junivie na isang first time OFW ay nahatulan sa Saudi ng tatlong taon at anim na buwan na pagkakabilanggo sa kasong pakikipagsabwatan sa kapwa nya OFW  sa pagdala ng illegal na droga sa Saudi.

Naaresto ang dalaga na isang Bicolana nuong October 9, 2013 ilang araw pagdating nya galing Pilipinas para magtrabaho bilang dental assistant.

Nauna nang itinanggi ni Junivie ang akusasyon sa kanya at kanyang ipinaglaban na sya ay biktma ng mga sindikato ng mga illegal na droga na nag ooperate sa Pilipinas at sa Kaharian.

Sinabi rin Junivie sa kanyang salaysay na sa Saudi na lang daw nya nalaman na may dala syang illegal na droga nang sya ay arestuhin ng mga otoridad sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Ang bagahe na kanyang dinala sa pagpunta ng Saudi ay ibinigay daw sa kanya ng representative ng kanyang agency sa Pilipinas nang araw na sya ay nasa airport at paalis na ng Pilipinas.

Hindi na daw sya nagkaroon ng panahon na matingnan ang nilalaman ng bagahe dahil sa kakapusan ng oras.

Sinabi ni Elvira, ina ni Junivie na hindi inakala ng kanyang anak na magkakaproblema sya dahil sino ba naman daw hindi magtitiwala na ang nagpadala sa kanya ng bagahe ay ang mismong ahensya na nag pa alis sa kanya.

Sa panayam kay Consul Rj Sumague na syang Acting Head of Post ng Philippine Consulate, sinabi nito na pinagtulungan ng DFA, DOLE at OWWA ang pagkuha ng visa na tinatawag nilang compassionate visa at maging ang pamasahe sa eroplano at hotel accomodation sa Jeddah sa mag asawang San Juan para madalaw ang kanilang anak na mahigit na apat na taon na ring hindi nila nakikita.

Sinabi ni Sumague na tapos na ang kaso ni Junivie at tanging ang pagbabayad na lang ng garama (penalty sa English) na nagkakahalaga ng 100,000 SAR o 1,300,000 Pesos para makalaya na ang dalaga.

“Tapos na ang kaso at ang penalty na lan ang ating ginagawan ng paraan pero sinabi naman sa amin ng mga opisyal sa kulungan na positibo sila na matatanggal ang penalty.”

Oras na makaaya si Junivie sinabi ni Sumague na ang deportation ang susunod na proseso

Panawagan ni Sumague sa iba pang mga OFW na mag ingat sa mga nagpapadala sa kanila.

“Kung maaari ay huwag nang tumanggap ng padala kahit na ito ay kakilala pa nila. Gusto ko rin manawagan sa ating mga recruitment agency na maging responsible at magtrabaho para sa kapakanan nang ating mga worker. pagtatapos ni Sumague.

Nagpasalamat ang mag asawang San Juan sa DFA, DOLE at OWWA sa tulong na ipinagkaloob sa kanila para madalaw ang kanilang anak na nakakulong sa Jeddah.

Leave a Reply

Leave a Reply